.comment-link {margin-left:.6em;}

literary sketches

a collection of literary sketches

My Photo
Name:
Location: Tabaco City, Albay, Philippines

I am an eclectic cognitariat, a missionary on furlough trying to redeem himself.

Tuesday, June 12, 2007

KABANATA II

SA LOOB NG BOARDING HOUSE


Marahang isinusuko ng hapon ang kanyang liwanag sa paparating na takipsilim, ngunit mainit pa rin ang mikropono sa gitna ng stage, maliwanag ang mga mukha ng mga tao, at hindi alintana ang pagkaburo na bumabalot na kay Remi tatlong oras na ang nakalipas.

Nangahas uli si Remi na lapitan si Gabrielle na nasa gawing likuran ng stage para kausapin. Hindi siya nito pinapansin pagkatapos nitong magtalumpati. Ang mga titig ni Gabrielle ay malamig. Ayaw na niyang masaling ng mga titig ni Remi. Distansyado palagi si Gabrielle na ikinabigla ni Remi.

‘Bakit?’ tanong ni Remi sa sarili.

‘Nag-aalala siya sa iyo.’ Sagot ni Lazarus nang lapitang niya ito’t tanungin.

‘Baka naman galit.’

‘Yan ang gusto niyang isipin mo.’

Hindi na siya tiningnan ni Lazarus nang sabihin ito sa kanya. Komportableng nakatayo ito sa grupo ng mga estudyanteng nakasuot ng itim bilang protesta. Maganda ang sounds at ang flag dance bilang numerong pangfinal. Itim ang motif. Parang may burol.

Sa huling pagkakataon muli nitong tinangkang lapitan si Gabrielle.

‘Huwag mo na akong ihatid. May maghahatid na sa akin.’ Ang sumalubong kay Remi. Nginitian siya ni Gabrielle—parang kisapmata.

Hah!—yan pala ang dahilan. Nakaramdam si Remi ng pagsilab ng dibdib, may init na gumapang sa kanyang batok at tenga. Masarap sapakin ang lalakeng kasama ni Gabrielle. Nakapagtimpi si Remi nang makita niyang sinusunog na ang effigy ni Gloria. Pinukol niya ng kamatis ang effigy at doon pa lang siya nahimasmasan ng konti. Naglakad siya pabalik sa likod ng mga rallyista.

Hindi na siya lumingon at nagpara ng dyip sa may kanto.

* * *

Malabo na ang anyo ng mga kabahayan nang makauwi si Remi. Ang hugis ng mga kabahayan, poste, puno ay kinukurtinahan na ng malamlam na asul na langit sa silangang bahagi. Unti-unti ng nagpapakita ang mga bituin sa dumidilim na langit ngunit sa kanluran kung saan binabagtas ni Remi ang makipot na iskinita, nagkukulay dugo ang gintong kalangitan—palubog na ang araw sa kanluran.

Ramdam niya ang preskong hangin na may dalang kaunting alat mula sa dagat. Kumakahol ang mga aso sa kabilang kanto, masayang naghahabulan ang ilang bata na nakasalubong niya—itanong mo sa mga bata, sa siwang ng mga pinagtagpi-tagping lumang plywood at mga kalawanging yero pumupuslit ang tunog ng TV; sagitsit sa pagbago ng channel at mga pamilyar na boses ng mga news anchor at mga reporter—isinasalaysay ang kung anumang kaganapan nangyayari sa mundo na waring walang pakialam ang squatter na lugar na ito.

Sandaling pinigil ni Remi ang kakayahang huminga nang madaanan niya ang estero. Dito masisilayan ang talambuhay at kung papaano umuusbong ang isang bundok na basura mula sa iilang plastik na basura. Bawal magtapon ng basura dito. Marami yatang hindi marunong magbasa dito. Bawal umihi dito. Mahapdi sa mata ang panghe na ipininta sa dingding.

Nang makalampas siya sa bahaging iyon, muling naramdaman niya na marunong pa pala siyang huminga. Nagsimula ng magsipagsindi ang mga domestikadong kabahayan at ang mga flourescent at bumbilya nagpakawala ng pagka-inggit kung kaya’t ‘di gaano pansin ang mga mumunting liwanag ng mga bituin.

Malungkot ang pintuan ng datnan ni Remi ang kanyang boarding house. Ang amoy ng pagluma ng kahoy nito, ang magaspang na balat dala ng paglabas-pasok ng panahon, ang maputlang pintura ay hindi napawi ang pangungulila sa bisitang kailanman hindi darating. Siya isang hamak na boarding house lang. Walang pamilyang maninirahan sa kanya. Taong katulad lang ni Remi ang papatol sa kanyang existence.

Nabuksan ng susi ni Remi ang pintuan na walang malalim na pagtataka kung bakit, pero ang tanong na nabuo sa parke ay nakabikig pa rin.


Inilagay ni Remi ang susi sa mesang plastik na bumulalas malapit sa may pinto. Kinapa niya ang swtich ng ilaw. Pumitik ito kasabay ng biglang pagliwanag ng buong kuwarto.


Tinungo ni Remi ang maliit na ref. Kumuha siya ng baso sa ibabaw at kumuha ng pitsel sa loob nito. Kung ang refrigerator ay maihahalintulad sa isang tiyan, matagal ng itong nalipasan ng gutom.


Umupo si Remi sa higaan na may manipis na kutson. Bugbog ito sa paniniwalang pahinga ang tanging lunas sa lahat ng pagkapagod. Nakakapagod isipin kung ano talaga ang ginagawa ng mga tao sa parke kanina, ani Remi sa sarili.


Nilagok niya ang natitirang tubig sa baso. Muntik ng tumama sa double deck ang baso dahil sa baba ng distansya ng pangalawang palapag ng higaan.

Inilapag ni Remi ang baso sa sahig, pagkatapos nahiga siya ng hindi tinatanggal ang sapatos. Pinakiramdaman ang paglamas ng tiyan sa tubig na malamig na ininom. Inilagay niya ang dalawang kamay sa batok at pinagkrus ang mga paa.

‘Ang labo. Kung basted, eh di basted na. Huwag na sana siyang magpakabait pa. Parang oo na rin yun. Pinapaasa niya ako sa wala kung ganun ang lagi niyang pinapakita. Kung tatanungin ko naman siya kung ano na ba talaga, parang nakasisiguro na ako nun. Ilang beses pa lang naman kaming lumabas at ilang linggo ko pa lang siyang nakikilala. Baka sabihin atat na atat na ako.

‘Presko. Pero bakit niya naman hawak ang kamay ko kanina? Madalas niyang hawakan ang kamay ko kapag kami magkasama, ano ba ‘yun? Tapos hindi niya ako papansainin pagkatapos. Aaargh! Mga babae talaga oh.

‘Itext ko kaya ng malaman ko kung ano ba talaga.’


Dinukot ni Remi sa bulsa ang kanyang cellphone at nagtext; ‘ei. Gud pm po. Sna nkauwi n u ng maay0s. senxa n c pangu2lit ko knina. Sna d ka galit c kin.’

Tumunog ang cellphone ng nakaka-badtrip na tunog at lumabas sa screen: check operator service.

‘Naman!’ sabi ni Remi ng may pagkainis.

‘Uy…may tinitext siya.’ Sabi ni Eden na kanina pa pala nakatayo sa may pintuan. ‘Tsk! Kaya lang wala na siyang load.’

Itinuon ni Remi ang kanyang ulo sa may pintuan at sinundan ng tingin ang pagpasok ni Eden.

‘Kanina ka pa ba dyan?’ tanong niya kay Eden.

‘Medyo.’ Umupo ito sa plastic na upuan na malapit sa may mesa. Si Eden ay ang boarder sa kabilang kuwarto sa taas. ‘Bakit?’ tanong ni Eden kay Remi na bumangon mula sa pagkakahiga.

‘Wala lang. ‘kala ko ba may duty ka ngayon.’ Itinabi ni Remi ang cellphone sabay sandal sa dingding na kadikit ng double deck at pinagkrus ang paa.

Si Eden naman ay itinaas ang kanang paa sa silya at komportableng sumandal sa mesa na nakatukod ang ang kanang siko sa ibabaw nito.

‘Duty? Ano ako nurse?’

‘Di ba nursing ka?’

‘Nursing? Haller?! Ano ako, mayaman? HRM po kaya ako kuya—HRM.’

‘Ah—okey. Akala ko kasi…’


‘Akala mo kasi ako yung nursing students na naging syota mo.’


‘Sino naman kaya yun?’


‘Ewan ko sa iyo. Basta nursing siya.’

Tinanggal ni Remi ang kanyang sapatos, umusog siya sa gilid ng higaan at inilapat ang mga paang maugat sa sahig. Dumungaw ang kanyang mukha sa anino ng double deck.

‘Ba’t ka nga pala nandito?’ tanong niya kay Eden.

Hindi sumagot si Eden. Niyakap nito ang kanyang mga binti pagkatapos ipatong ang isa pang paa sa upuan at saka tumingin sa labas ng pintuan. Pilit tumitingin sa malayo.

‘Okey lang kung dito muna ako ngayong gabi?’ tanong ni Eden.

‘Dito?…siyempre okey lang. Ba’t naman hindi?’

‘Wala lang.’ Sabay kibit ng balikat at patong ng baba sa tuhod.

Sa pagkakatiklop ng tuhod at pagkakayakap niya nito, cute siyang tingnan nasabi ni Remi sa sarili. Parang may ibig sabihin ang mga pa-tweetums na ganun. Siguro.

‘Kumain ka na ba?’ tanong ni Remi pagkatapos niyang tumayo.

Umiling si Eden. Hindi pa siya kumakain.

Masasabing abandonado ang refrigerator ni Remi. Kuryente na lang ang tanging nagbibigay saysay sa buhay nito. Dalawang bote ng coke litro na tubig ang laman, isang plastik na pitsel na kakaunti ang laman, nalalantang siling green at pula, inaamag na tinapa—tatlong piraso, petsay na kulay dilaw sa tagal ng pagkakababad sa lamig.

Napabuntong-hininga si Remi sa kalagayan ng kanyang ref. Ito na yata ang mikrokosm ng kahirapan dito sa Pilipinas. Isang itlog at tatlong tinapa na lang ang nakuha ni Remi na pwedeng pakinabangan.

‘Anyway, bukas pagkakuha ko ng sweldo ko, bibili ako ng sampung kilo nito at tatlong tray ng itlog.’ Pabirong sabi pagkasara ng ref.

Tumayo si Eden at kinuha ang tinapang nasa diyaryong mamasa-masa at ang nag-iisang itlog ni Remi. Dumeretso siya sa stove na malapit sa lababo.

‘Marunong ka bang magluto?’ tanong ni Remi sa kanya.

‘Ako na’ng bahala. Just watch and learn kung paano ako magmadyik.’

Paano nga ba maghanda ng hapunan na ganito ang kalagayan?

Hinalungkat ni Eden ang plastic na lalagyan ng mga sibuyas, bawang at paminta. Kumuha mula dito ng kamatis at sibuyas. Nakakuha rin siya ng dilaw na luya saka nagpakulo ng tatlong tasang tubig.

‘Tamang-tama.’ Pabulong niya sa sarili. Binalatan at pinitpit niya ang luya saka nilagay sa kaserola kung saan nandun ang tubig. Hiniwa niya ng maliliit ang dalawang pirasong kamatis at tinadtad ng pino ang sibuyas. Inilagay niya ito sa platito at nilagyan ng toyo.

Nang kumulo ang tubig, tinimplahan niya ito ng konting asin at saka inilagay ang itlog. Hinalo niya ito ng ilang beses hanggang matorta ang itlog. Kumuha siya ng maliit na kawali at pinirito ang tatlong tinapa sa gamit na mantika. Habang hinihintay na mapritos ang mga tinapa sa mahinang apoy, inayos niya na ang mesa. Nang maluto ang tinapa, isinalang niya na rin ang kanin para initin.

Kumuha siya ng dalawang tasa at nilagyan ng sinabawang luyang may itlog. ‘Saglit lang. Iniinit pa yung kanin.’ Sabay bigay ni Eden ng tasa kay Remi na nakaupo sa may pintuan.


Hinigop ni Remi ang sabaw. Nakakapaso ang pinaghalong init ng tubig at anghang ng luya.

‘Okey ah.’ Sabi ni Remi.

‘Siyempre. Ako yata ang may gawa niyan.’ May pagmamayabang na pabirong sumagot si Eden sa papuri ni Remi.

Humigop uli si Remi. May manipis na usok na lumabas sa kanyang bibig. Bumuwelo ng buga sa pagpapakawala ng anghang na sumasabit sa lalamunan at gumuguhit sa kanyang tiyan na madalas walang sapin. Sa init ng sabaw, dama ni Remi ang pagsingaw ng pagod sa kanyang katawan. Medyo nakakalango ang bango ng luya sa isipan. Pansamantalang nakakalimutan ang mga pagtatanong. Ang pagtatanong ng ‘Bakit may rally na naman sa parke kanina? Ano ba ang silbi ng mga gawaing katulad nun? Bakit siya nandun kanina? Si Gabrielle ba ang pakay niya?’

Ngumiti si Eden sa nakikita niya. Nasiyahan si Remi sa simpleng timpla ng kakaibang sabaw. Buti’t nagustuhan niya.

Inuunti-unti ni Remi ang sabaw ngunit halata sa mabilis na higop nito na nakikipag-unahan siya sa lamig ng gabi—mamamatay din ang init nito kaya mas mabuting ubusin na. Masarap ang sabaw kapag mainit pa.

‘Kumusta araw mo ngayon?’ tanong ni Eden kay Remi.

‘Okey lang…’ hinigop ni Remi ang huling patak ng sabaw. Ang huling hiwa ng init ay pilit na kumakapit sa porselanang mumurahin. ‘Ikaw. Musta araw mo?’ Tumayo siya at tinungo ang kaserolang may sabaw.

‘Kami?’ ani Eden pagkatapos humigop ng sabaw. ‘Ha—midterm na namin next week.’ Humigop ulit. ‘Problema nga eh.’

Hindi na narinig ni Remi ang huling sinabi ni Eden. Sinilip ni Remi ang kanin. Wala pang pangtuition si Eden.

‘Tara. Kain na tayo. Mainit na ang kanin.’ Aya niya kay Eden.

Tumayo na rin si Eden at tinulungan si Remi.
Matahimik nilang kinain ang kanilang simpleng hapunan. Sa madilim na kisame ng langit hindi lang sila ang tumutugon sa pangangalam ng sikmura—maraming nilalang ang tumatalima sa pananawagan ng tiyan.


Nilinis ni Remi ang pangalawang palapag ng double deck habang hinuhugasan ni Eden ang kanilang pinagkainan. Inilabas ni Remi ang extrang unan, malinis na punda at kumot.

‘Dito ka na lang matulog sa taas Eden. Okey lang?’

‘Okey lang…kuya.’



MADALING ARAW nang magising si Remi sa pag-uga ng higaan. May kumalabog at may kumaluskos malapit sa kanya. Sa nag-aagaw na pagkatulog at pagkagising, naaninag niya ang hugis ng isang tao. Si Eden ay bumaba ng double deck.

Tumabi ito sa kanya, mahinahong isiniksik ang sarili sa higaang maliit para sa dalawang tao at pumasok sa kumot ni Remi.

‘Eden?’ pabulong na tanong ni Remi. Nakapatong ang kaliwang binti ni Eden sa kanya at nakayakap ito.

‘Malamig sa taas, kuya.’

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

<< Home