.comment-link {margin-left:.6em;}

literary sketches

a collection of literary sketches

My Photo
Name:
Location: Tabaco City, Albay, Philippines

I am an eclectic cognitariat, a missionary on furlough trying to redeem himself.

Tuesday, June 12, 2007

KABANATA III

ANG BAYAN NG PATAY NA DAGAT

Bago pa tuluyang isumbong ng liwanag sa langit ang tunay na anyo ng mundo, bago pa ibalik ng liwanag ang totoong depinisyon ng mga bagay, bago pa pumutok ang araw, umalis na si Remi sa boarding house.

Iniwan niya ang extrang susi sa mesa. Kape lang ang kanyang almusal. Si Eden natutulog pa.

Binagtas ni Remi ang konsepto ng biyahe ng mga tao na alipin ng oras. Mapagkumbabang sinundan ang sistema ng bayad at sukli. Ang mga biyahero at mga pasahero ay mga hilaw na sangkap na palipat-lipat sa higanteng conveyor belt. Hilaw na sangkap na siya ring produkto mismo sa sarili. Estudyante kang sasakay, estudyante kang bababa. Walang labis, walang kulang. Bumibiyahe ang bawat isa para buhayin ang sistema na siya ring bumubuhay sa kanila. Si Remi ay magreremit ng suweldo sa araw na iyon. Nakita sya ni Labrador na sumakay sa bus.

Ang isandaan at halos walumpung minutong pagpapaubaya sa singil ng paglalakbay ay walang tutol na ibinigay ni Remi, maliban sa pamasaheng sinasalamin ang halaga ng piso kontra dolyar. Fuck oil deregulation law. Halos wala ng matirang pera si Remi. Kung magyoyosi siya o di kaya’y bumili ng kendi, siguradong kukulangin ang pamasahe niya pabalik.

Gising na ang bayan na hindi pa marunong magyabang sapagkat wala pa itong higanteng mall at sinehan. Wala pang malalaking billboard na magtuturo sa mga tao kung paano maging insecure, hipokrito at maging matakaw sa mga bagay na hindi naman kailangan. Payak na umiinog ang mundo sa mga simpleng pangangailangan ng bayang ito na biniyayaan na rin ng kuryente, malinis na tubig at sementadong lansangan at ilang gusali.

Pagkababa ni Remi sa sasakyan, dumeretso siya sa pantalan imbes na sa opisina—bagay na ngayon niya lang ginawa. Tumambad sa kanya ang maputlang kulay ng karagatan. Hindi malinaw na asul ang nakikita ni Remi, kungdi moss green na tubig na medyo abo ang kulay sa ilalim. Bagaman masiglang pumapalo sa dalampasigan ang mga alon, halatang matamlay ang totoong kalagayan nito. May ilang bangkang nakadaong sa gawing kanan at ito’y babad sa pahinga. Sa gawing kaliwa, ang malalaking bato ay tila napipilitang manatili sa kinalalagyan, may mga dumi ng tao at aso na nakasingit sa pagitan ng mga ito.

Huminga ng malalim si Remi para lumanghap ng sariwang hangin. May di kanais-nais na amoy na sumabit dulo ng ilong ni Remi kaya’t napilitan siyang umalis ng pantalan.

Sinundan ni Remi ang break water hanggang marating niya ang bukana ng ilog kung saan nagtatagpo ang tubig-dagat at tubig-tabang. Low-tide at hubad ang kalamnan ng ilog at tabing dagat.

Naglakad-lakad si Remi sa hibas. Pinagmamasdan uli sa huling pagkakataon ang karagatan ng nagbigay sa kanya ng materyales para sa primer na pinagagawa sa kanya. Ang mga maliliit na bato ay lumilitaw sanhi ng pag-urong at pagsulong ng tubig, ito ay nababalutan ng mga lumot. Ang buhangin ay napapatungan ng putik na kulay abo medyo berde. Sa mga graba ng dagat ang mga basag na korales ay nagkalat. Para itong floor mat.

Sa di kalayuan, malapit sa bukana ng ilog may mga batang naghuhukay ng mga maliliit na kabibe. Mga shell na kasinglaki ng hinlalaki. Sa may baybayin may dalawang pamilya na naghihila na lambat. Sensuro. Tumulong si Remi pagkatapos niyang iwanan ang bag sa batang may hawak ng maliit na timba. Kasamahan ito ng mga nagsisensuro.

Ang sensuro o beach seine ay isang uri ng pangingisda. Ito ay ginagawa sa tabing dagat. Ginagamitan ito ng mahabang lambat na may kawayan sa magkabilang dulo. Nilalagay ang lambat sa malalim na bahagi ng tabing-dagat, pwede itong languyin o gamitan ng bangka. Ibubuka ang lambat na may maliliit na mata, 2” x 2” kadalasan, at hihilahin ang magkabilang dulo papunta ng baybayin. Ang ilalim ng lambat ay may pabigat na tingga upang sa paghila nito, masusuyod ang lahat na madaanan ng lambat. Walang nakaliligtas na hayop at korales sa sensuro. Sinisimot nito ang bawat madaanan. Isang imbensyon ng kagustuhanng makarami na walang pasubali sa kung anumang magiging epekto nito sa kalikasan.

Nag sumadsad na sa buhangin ang lambat, nagsimula ng anihin ang mga nahuling isda. Sa haba ng halos tatlumpung metro, hindi man lamang nito napuno ang kalahati ng maliit na timba na dala dala ng bata. Pinagmasdan ni Remi ang nakita. Idinagdag ito sa mga huli kanina. Hindi pa aabot ng isang tabo ang kanilang nahuli. Walong pulgada ang pinakamalaking isdang nahuli at ang iba’y mga tubig-hayop na hindi puwedeng kainin. Jellyfish at alimasag na kalahating dangkal ang haba ang karamihang nahuli.

Kumulang-kulang ng isang tabo ng isda para sa dalawang pamilya ani Remi. Muling naglakad ang mama sa dagat dala ang lambat para sa isa pang hila ng sensuro. Nagpaalam si Remi.



Dumeretso si Remi sa kanilang opisina na di kalayuan sa tindahan ng mga damit at sari-saring kagamitang pambahay. Malapit sa opisina ang isang tindahan ng mga feeds at iba’t ibang uri ng lubid.

Ang opisina ay lumang bahay na inupahan lang ng team leader nila. Ang kalumaan ng bahay ay bagay na karaniwan din sa mga kapitbahay. Dalawang palapag iyon. Sa ibaba ng bahay ang opisina at sa ang quarters ng tulugan ng mga empleyadong malayo ang uuwian. May sariling kusina at maliit na banyo ang bahay na iyon. Sa kabuuan ng sala nandun ang dalawang computer, tatlong mesa at ilang upuan. Sa dingding nakadikit ang iba’t ibang poster tungkol sa pag-iingat at pagsasagip ng dagat at ang mga kadahilanan ng pagkasira nito. Sa poster na nakadikit makikita rin ang koopersayon ng gobyerno, NGO at ilang environmetalist group. Mga iba’t ibang programa na nagmamalasakit sa bawat mangingisda.

Si Colette ang nadatnan ni Remi na abala sa harap ng computer. Nag-iencode ito.

‘Hello—’ bungad ni Remi.

‘Remi! Mustah?’ sagot ni Colette na may halong pagkasurpresa.

‘Nasaan sila?’ tanong ni Remi. Kadalasan kasi sa ganitong oras marami ang busy sa harap ng computer.

‘Nasa field yung iba. Si Sir at si Tito may pinuntahan lang saglit. Kelangan na raw kasi ang accomplishment report para sa buwan na ito.’

Umupo si Remi sa malapit na upuan at inilagay ang bag sa ibabaw ng mesa.

‘Na-print na ba yung comics-primer na ginawa ko?’

‘Oo. Eto nga. Binabasa ko kagabi.’ Sabay pakita ng pamhlet na may pamagat na ‘Sagipin natin ang dagat. Praymer para sa mga mangingisda.’

Sa loob ng pamphlet may mga drowing ng iba’t ibang uri ng pangingisda na ipinagbabawal dahil sa maling paggamit ng lambat at mga fish pen. May mga paliwanag din kung ano ang mga masamang epekto ng mga ito sa dagat. May mga alternatibong paraan din sa pangingisda na pwedeng gamitin ng mga mangingisda.

Nasiyahan si Remi sa nakita niyang final output ng gawa niya.

‘Hintayin mo na lang si Tito. Saglit lang daw sila. Alam niya kasing ngayon mo kukunin ang suweldo mo.’

‘Nasaan daw sila?’

‘Nasa munisipyo. Kinakausap si Mayor.’

‘Bakit daw?’

‘Magrereklamo sa ginawang search without warrant ng mga militar dito nung isang araw.’

Napangiti si Remi sa nasambit ni Colette. Ano ba’ng mahahanap nila sa atin?

‘Ang nakakatuwa nga. Aburido rin yung ibang Barangay Captain sa militar. Madalas kasing pinapakialaman ng mga militar yung mga seminar natin tungkol sa fishery preservation. Kesyo ganito. Kesyo ganyan. Kung sinu-sino na lang ang pinaghihinalaan nilang NPA o di kaya’y spy ng NPA.’

‘Kung palaging ganyan ang gawain nila. Walang patutunguhan ang ginagawa natin dito.’

‘Sinabi mo pa. Mukha bang subversive document ‘tong praymer natin? Nahihiya na nga si Sir sa project sponsor natin. May coordination naman tayo sa LGU at BFAR tapos paghihinalaan pa ang iba sa atin na NPA.’

‘Hahaha—mga bopolytes amp.’

‘Talaga, nakakatuwa. Akala siguro ng militar ang ginagawa nating seminar at mga documentation ay recuitment. Ahahahaa…’

Napailing si Remi sa balita ni Colette. Kita pa sa mga nagkalat na ilang papel at mga nadisarranged na gamit sa opisina ang panghahalungkat ng mga militar. Kaya siguro hindi umuunlad ang bayan na ito ika niya sa sarili.

‘Meron pa bang mainit na tubig?’

‘Oo—kalalagay ko lang sa termos. Timpla ka na lang ng kape kung gusto mo.’

Tinungo ni Remi ang kusina at nagtimpla ng kape.

‘May binilin pala sa akin si Tito.’ Sabi ni Colette.

‘Ano raw yun?’ medyo pasigaw na sagot ni Remi sa kusina.

‘Ibigay ko raw ‘to sa yo.’

Lumabas si Remi sa kusina at pumunta sa mesa ni Colette.

‘Sweldo mo. Hindi niya kasi alam kung matatagalan pa sila sa lakad nila ngayon.’

Kinuha ni Remi ang sobre at inilagay sa bulsa.

‘Thank you.’

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

<< Home