EPILOGUE
DIGMAAN
Nobela para sa Pagbabago
MGA TAUHAN:
Remi—isang alagad ng sining
Eden—estudyante
Gabrielle—aktibista
Labrador—dating magsasaka na naging aktibista
Percival—estudyanteng manunulat
Lazarus—estudyanteng aktibista
Domingo—dating NPA
Totoy—pamangkin ni Domingo
Liwayway—estudyante
Evangeline—estudyante
Jun Plaridel—anak ni Mando Plaridel
Eyas Salvador—apo ni Jun
EPILOGUE
KULAY DUGO ang kalangitan. Palubog na ang araw. Nagsimula ng lumikha ng antok sa panggabi ang simoy ng hangin, marahan itong dumadampi sa lahat ng nandoon sa parke; taliwas sa hele ng gulapay na magdamag gising pa ang mga tao.
Tumunog at umugong ang feedback sa mikropono. Sa pagkakataong ito, sigurado na sya sa kanyang sasabihin. Matalas ang ulirat ng mga nandoon. Isa sa kanila ang nawala.
‘Nasaan ba si Labrador?’ tanong ng isang lalake.
‘Tinext ko na sya noong isang araw pa, hanggang ngayon di pa rin nagrereply.’ Sagot ng isang bagito.
Napakunot ng noo ang lalake.
‘Yaan mo na. Alas seis na…simulan na natin ‘to.’
May mangilan-ilang nasa tabi at nasa likod ng stage.
Kinuha ni Remi ang kanyang sketch pad at nagsimulang magdrowing. Kung hindi lang sana nagloko ang digicam na dala niya mas madali sanang makukuha ang senaryong ito. Tuluyan ng nagsimula ang rally sa Peñaranda at ang kaganapan na tinatawag nilang programa. May ilang estudyante na humabol at kararating lamang, hindi para magbigay ng sariling numero kungdi para ibilang ang sarili sa mga manonood.
‘Magsisimula na sila.’ Text ni Evangeline kay Liwayway.
‘Hanggang 7:30 pm pa klase ko.’ Ang reply nito kay Evangeline.
Bumaba si Evangeline sa dyip at muling tinanong si Eden na kasama niya kanina pa mula iskul. ‘Ayaw nyo bang maki-jam sa amin kahit saglit lang?’
‘Hinahabol naming Last Full Show. Sori next time na lang.’ sagot ni Eden habang dinudungaw nito si Evangeline. ‘Bye.’
Napabuntong-hininga na lang si Evangeline pag-alis ng dyip. Kinawayan siya ni Eden. Kasama nito si Bob.
Sa pinag-umpok umpok na mga tao, tumayo si Percival at bumili ng yosi. Muntik na siyang mabangga ni Evangeline na nagmamadaling tinungo ang iba pang aktibista na nakaupo di kalayuan sa harap ng stage.
Hindi nya na lang ito pinansin. Pagkalampas ni Percival nilingon sya nito.
‘What the fuck?’ pabulong ni Evangeline.
Sinindihan ni Percival ang unang yosi nya sa hapon na iyon at inilagay ang isa sa kanyang tenga.
Tumingin ulit sa entablado.
‘Ang tagal naman magsimula.’ Ani nya sa sarili. Hindi na rin sya umasa na may makakarating sa mga writer ay editor niya para i-cover ang nangyayari.
May isang lalake at babae na nagtatalo sa bandang likod ng stage.
‘Hindi nga ako pwede. Kung wala sanang battle order bakit hindi?’ sabi ng babae.
Sa puntong iyon, pumagitna ang isang pang lalake para pigilin ang init ng ulo ng lalakeng emcee ngayon. Tuluyan ng tumungo sa likuran si Gabrielle. Sa pagkakapwesto sa likod ng stage pinagmamasdan niya ang isang lalake sa gawing likuran ng mga nanonood—siya’y nakatungo at abala sa kanyang sketch pad.
‘Buti’t nakikita mo pa yang dinodrowing mo anak. Madilim na ah.’ Sabi ni Jun Plaridel na katabi ni Remi kanina pa.
‘Kaya ko nga po minamadali manong.’ Ngumiti ito at muling tiningnan ang kalakhan ng mga nagrarally at mga nanonood sa Peñaranda. ‘Maganda ang tama ng langit.’
‘Pang-watercolor.’
Tumango si Remi.
Maya-maya pa’y dumating ang isang batang lalake; si Eyas Salvador.
‘Lolo, andiyan na po si Kuya, sinusundo na po tayo.’
‘Hijo. Mauna na kami. Sana matapos mo yan bago tuluyang dumilim.’ Marahang tumayo si Jun Plaridel na medyo nangangatog ang kamay sa kanyang tungkod. ‘Mag-ingat kayo bago tuluyang magdilim ang langit.’
‘Opo, lolo.’
Sa di kalayuan may isang itim na frontier na nakaparada malapit sa kinatatayuan ni Percival. Bumukas ang bintana nito at may isang pares na mata na nakatingin sa paparating na mag-lolo.
Tiniris ni Percival ang tirang yosi. May kinuha siya sa kanyang bulsa; isang kapirsaong papel na may nakasulat: ‘Tula para kay Lazarus.’
‘Nasa oras ba?’ tanong ni Jun sa driver.
Tumingin ang driver sa kanyang relo habang papasok ng kotse si Jun at si Eyas.
‘Tama lang, Sir.’
‘Okay. Vamos.’
Sa pagkakaupo ni Evangeline may bumulong sa kanya.
‘Vangie, tingnan mo yung dalawang mama, 8 o’clock. Huwag kang magpapahalata. Kanina pa nila pinagmamasdan ang grupo natin dito.’
Pakunwaring may kakausapin si Evangeline sa kanyang kaliwa sabay daan ng tingin sa dalawang nagmamasid. Aminadong sila nga ang tinitingnan.
Medyo namutla si Evangeline.
Sa stage, nagsisimula na ang pagkokondena sa extrajudicial killing na nangyayari sa Pilipinas. Napaluha si Evangeline nang makita niya ang larawan ni Lazarus.
Mapapadaan ang isang bata, si Totoy, magtatanong kung bakit hindi nakabilang ang kanyang tiyuhin sa biktima ng karahasan. Kasama ang kanyang kaeskwela, tumambay sila sa itaas para hintayin ang iba pa nilang kaeskwela. Tinukso ng isa ang taong grasa na pakalat-kalat.
‘Ale, alejo, alejo santos. Kelan kaya ito matatapos? Santo, santos, santos alejo. Saan ba ito lahat patungo?’
Labels: Digmaan