.comment-link {margin-left:.6em;}

literary sketches

a collection of literary sketches

My Photo
Name:
Location: Tabaco City, Albay, Philippines

I am an eclectic cognitariat, a missionary on furlough trying to redeem himself.

Tuesday, June 12, 2007

KABANATA III

ANG BAYAN NG PATAY NA DAGAT

Bago pa tuluyang isumbong ng liwanag sa langit ang tunay na anyo ng mundo, bago pa ibalik ng liwanag ang totoong depinisyon ng mga bagay, bago pa pumutok ang araw, umalis na si Remi sa boarding house.

Iniwan niya ang extrang susi sa mesa. Kape lang ang kanyang almusal. Si Eden natutulog pa.

Binagtas ni Remi ang konsepto ng biyahe ng mga tao na alipin ng oras. Mapagkumbabang sinundan ang sistema ng bayad at sukli. Ang mga biyahero at mga pasahero ay mga hilaw na sangkap na palipat-lipat sa higanteng conveyor belt. Hilaw na sangkap na siya ring produkto mismo sa sarili. Estudyante kang sasakay, estudyante kang bababa. Walang labis, walang kulang. Bumibiyahe ang bawat isa para buhayin ang sistema na siya ring bumubuhay sa kanila. Si Remi ay magreremit ng suweldo sa araw na iyon. Nakita sya ni Labrador na sumakay sa bus.

Ang isandaan at halos walumpung minutong pagpapaubaya sa singil ng paglalakbay ay walang tutol na ibinigay ni Remi, maliban sa pamasaheng sinasalamin ang halaga ng piso kontra dolyar. Fuck oil deregulation law. Halos wala ng matirang pera si Remi. Kung magyoyosi siya o di kaya’y bumili ng kendi, siguradong kukulangin ang pamasahe niya pabalik.

Gising na ang bayan na hindi pa marunong magyabang sapagkat wala pa itong higanteng mall at sinehan. Wala pang malalaking billboard na magtuturo sa mga tao kung paano maging insecure, hipokrito at maging matakaw sa mga bagay na hindi naman kailangan. Payak na umiinog ang mundo sa mga simpleng pangangailangan ng bayang ito na biniyayaan na rin ng kuryente, malinis na tubig at sementadong lansangan at ilang gusali.

Pagkababa ni Remi sa sasakyan, dumeretso siya sa pantalan imbes na sa opisina—bagay na ngayon niya lang ginawa. Tumambad sa kanya ang maputlang kulay ng karagatan. Hindi malinaw na asul ang nakikita ni Remi, kungdi moss green na tubig na medyo abo ang kulay sa ilalim. Bagaman masiglang pumapalo sa dalampasigan ang mga alon, halatang matamlay ang totoong kalagayan nito. May ilang bangkang nakadaong sa gawing kanan at ito’y babad sa pahinga. Sa gawing kaliwa, ang malalaking bato ay tila napipilitang manatili sa kinalalagyan, may mga dumi ng tao at aso na nakasingit sa pagitan ng mga ito.

Huminga ng malalim si Remi para lumanghap ng sariwang hangin. May di kanais-nais na amoy na sumabit dulo ng ilong ni Remi kaya’t napilitan siyang umalis ng pantalan.

Sinundan ni Remi ang break water hanggang marating niya ang bukana ng ilog kung saan nagtatagpo ang tubig-dagat at tubig-tabang. Low-tide at hubad ang kalamnan ng ilog at tabing dagat.

Naglakad-lakad si Remi sa hibas. Pinagmamasdan uli sa huling pagkakataon ang karagatan ng nagbigay sa kanya ng materyales para sa primer na pinagagawa sa kanya. Ang mga maliliit na bato ay lumilitaw sanhi ng pag-urong at pagsulong ng tubig, ito ay nababalutan ng mga lumot. Ang buhangin ay napapatungan ng putik na kulay abo medyo berde. Sa mga graba ng dagat ang mga basag na korales ay nagkalat. Para itong floor mat.

Sa di kalayuan, malapit sa bukana ng ilog may mga batang naghuhukay ng mga maliliit na kabibe. Mga shell na kasinglaki ng hinlalaki. Sa may baybayin may dalawang pamilya na naghihila na lambat. Sensuro. Tumulong si Remi pagkatapos niyang iwanan ang bag sa batang may hawak ng maliit na timba. Kasamahan ito ng mga nagsisensuro.

Ang sensuro o beach seine ay isang uri ng pangingisda. Ito ay ginagawa sa tabing dagat. Ginagamitan ito ng mahabang lambat na may kawayan sa magkabilang dulo. Nilalagay ang lambat sa malalim na bahagi ng tabing-dagat, pwede itong languyin o gamitan ng bangka. Ibubuka ang lambat na may maliliit na mata, 2” x 2” kadalasan, at hihilahin ang magkabilang dulo papunta ng baybayin. Ang ilalim ng lambat ay may pabigat na tingga upang sa paghila nito, masusuyod ang lahat na madaanan ng lambat. Walang nakaliligtas na hayop at korales sa sensuro. Sinisimot nito ang bawat madaanan. Isang imbensyon ng kagustuhanng makarami na walang pasubali sa kung anumang magiging epekto nito sa kalikasan.

Nag sumadsad na sa buhangin ang lambat, nagsimula ng anihin ang mga nahuling isda. Sa haba ng halos tatlumpung metro, hindi man lamang nito napuno ang kalahati ng maliit na timba na dala dala ng bata. Pinagmasdan ni Remi ang nakita. Idinagdag ito sa mga huli kanina. Hindi pa aabot ng isang tabo ang kanilang nahuli. Walong pulgada ang pinakamalaking isdang nahuli at ang iba’y mga tubig-hayop na hindi puwedeng kainin. Jellyfish at alimasag na kalahating dangkal ang haba ang karamihang nahuli.

Kumulang-kulang ng isang tabo ng isda para sa dalawang pamilya ani Remi. Muling naglakad ang mama sa dagat dala ang lambat para sa isa pang hila ng sensuro. Nagpaalam si Remi.



Dumeretso si Remi sa kanilang opisina na di kalayuan sa tindahan ng mga damit at sari-saring kagamitang pambahay. Malapit sa opisina ang isang tindahan ng mga feeds at iba’t ibang uri ng lubid.

Ang opisina ay lumang bahay na inupahan lang ng team leader nila. Ang kalumaan ng bahay ay bagay na karaniwan din sa mga kapitbahay. Dalawang palapag iyon. Sa ibaba ng bahay ang opisina at sa ang quarters ng tulugan ng mga empleyadong malayo ang uuwian. May sariling kusina at maliit na banyo ang bahay na iyon. Sa kabuuan ng sala nandun ang dalawang computer, tatlong mesa at ilang upuan. Sa dingding nakadikit ang iba’t ibang poster tungkol sa pag-iingat at pagsasagip ng dagat at ang mga kadahilanan ng pagkasira nito. Sa poster na nakadikit makikita rin ang koopersayon ng gobyerno, NGO at ilang environmetalist group. Mga iba’t ibang programa na nagmamalasakit sa bawat mangingisda.

Si Colette ang nadatnan ni Remi na abala sa harap ng computer. Nag-iencode ito.

‘Hello—’ bungad ni Remi.

‘Remi! Mustah?’ sagot ni Colette na may halong pagkasurpresa.

‘Nasaan sila?’ tanong ni Remi. Kadalasan kasi sa ganitong oras marami ang busy sa harap ng computer.

‘Nasa field yung iba. Si Sir at si Tito may pinuntahan lang saglit. Kelangan na raw kasi ang accomplishment report para sa buwan na ito.’

Umupo si Remi sa malapit na upuan at inilagay ang bag sa ibabaw ng mesa.

‘Na-print na ba yung comics-primer na ginawa ko?’

‘Oo. Eto nga. Binabasa ko kagabi.’ Sabay pakita ng pamhlet na may pamagat na ‘Sagipin natin ang dagat. Praymer para sa mga mangingisda.’

Sa loob ng pamphlet may mga drowing ng iba’t ibang uri ng pangingisda na ipinagbabawal dahil sa maling paggamit ng lambat at mga fish pen. May mga paliwanag din kung ano ang mga masamang epekto ng mga ito sa dagat. May mga alternatibong paraan din sa pangingisda na pwedeng gamitin ng mga mangingisda.

Nasiyahan si Remi sa nakita niyang final output ng gawa niya.

‘Hintayin mo na lang si Tito. Saglit lang daw sila. Alam niya kasing ngayon mo kukunin ang suweldo mo.’

‘Nasaan daw sila?’

‘Nasa munisipyo. Kinakausap si Mayor.’

‘Bakit daw?’

‘Magrereklamo sa ginawang search without warrant ng mga militar dito nung isang araw.’

Napangiti si Remi sa nasambit ni Colette. Ano ba’ng mahahanap nila sa atin?

‘Ang nakakatuwa nga. Aburido rin yung ibang Barangay Captain sa militar. Madalas kasing pinapakialaman ng mga militar yung mga seminar natin tungkol sa fishery preservation. Kesyo ganito. Kesyo ganyan. Kung sinu-sino na lang ang pinaghihinalaan nilang NPA o di kaya’y spy ng NPA.’

‘Kung palaging ganyan ang gawain nila. Walang patutunguhan ang ginagawa natin dito.’

‘Sinabi mo pa. Mukha bang subversive document ‘tong praymer natin? Nahihiya na nga si Sir sa project sponsor natin. May coordination naman tayo sa LGU at BFAR tapos paghihinalaan pa ang iba sa atin na NPA.’

‘Hahaha—mga bopolytes amp.’

‘Talaga, nakakatuwa. Akala siguro ng militar ang ginagawa nating seminar at mga documentation ay recuitment. Ahahahaa…’

Napailing si Remi sa balita ni Colette. Kita pa sa mga nagkalat na ilang papel at mga nadisarranged na gamit sa opisina ang panghahalungkat ng mga militar. Kaya siguro hindi umuunlad ang bayan na ito ika niya sa sarili.

‘Meron pa bang mainit na tubig?’

‘Oo—kalalagay ko lang sa termos. Timpla ka na lang ng kape kung gusto mo.’

Tinungo ni Remi ang kusina at nagtimpla ng kape.

‘May binilin pala sa akin si Tito.’ Sabi ni Colette.

‘Ano raw yun?’ medyo pasigaw na sagot ni Remi sa kusina.

‘Ibigay ko raw ‘to sa yo.’

Lumabas si Remi sa kusina at pumunta sa mesa ni Colette.

‘Sweldo mo. Hindi niya kasi alam kung matatagalan pa sila sa lakad nila ngayon.’

Kinuha ni Remi ang sobre at inilagay sa bulsa.

‘Thank you.’

Labels:

KABANATA II

SA LOOB NG BOARDING HOUSE


Marahang isinusuko ng hapon ang kanyang liwanag sa paparating na takipsilim, ngunit mainit pa rin ang mikropono sa gitna ng stage, maliwanag ang mga mukha ng mga tao, at hindi alintana ang pagkaburo na bumabalot na kay Remi tatlong oras na ang nakalipas.

Nangahas uli si Remi na lapitan si Gabrielle na nasa gawing likuran ng stage para kausapin. Hindi siya nito pinapansin pagkatapos nitong magtalumpati. Ang mga titig ni Gabrielle ay malamig. Ayaw na niyang masaling ng mga titig ni Remi. Distansyado palagi si Gabrielle na ikinabigla ni Remi.

‘Bakit?’ tanong ni Remi sa sarili.

‘Nag-aalala siya sa iyo.’ Sagot ni Lazarus nang lapitang niya ito’t tanungin.

‘Baka naman galit.’

‘Yan ang gusto niyang isipin mo.’

Hindi na siya tiningnan ni Lazarus nang sabihin ito sa kanya. Komportableng nakatayo ito sa grupo ng mga estudyanteng nakasuot ng itim bilang protesta. Maganda ang sounds at ang flag dance bilang numerong pangfinal. Itim ang motif. Parang may burol.

Sa huling pagkakataon muli nitong tinangkang lapitan si Gabrielle.

‘Huwag mo na akong ihatid. May maghahatid na sa akin.’ Ang sumalubong kay Remi. Nginitian siya ni Gabrielle—parang kisapmata.

Hah!—yan pala ang dahilan. Nakaramdam si Remi ng pagsilab ng dibdib, may init na gumapang sa kanyang batok at tenga. Masarap sapakin ang lalakeng kasama ni Gabrielle. Nakapagtimpi si Remi nang makita niyang sinusunog na ang effigy ni Gloria. Pinukol niya ng kamatis ang effigy at doon pa lang siya nahimasmasan ng konti. Naglakad siya pabalik sa likod ng mga rallyista.

Hindi na siya lumingon at nagpara ng dyip sa may kanto.

* * *

Malabo na ang anyo ng mga kabahayan nang makauwi si Remi. Ang hugis ng mga kabahayan, poste, puno ay kinukurtinahan na ng malamlam na asul na langit sa silangang bahagi. Unti-unti ng nagpapakita ang mga bituin sa dumidilim na langit ngunit sa kanluran kung saan binabagtas ni Remi ang makipot na iskinita, nagkukulay dugo ang gintong kalangitan—palubog na ang araw sa kanluran.

Ramdam niya ang preskong hangin na may dalang kaunting alat mula sa dagat. Kumakahol ang mga aso sa kabilang kanto, masayang naghahabulan ang ilang bata na nakasalubong niya—itanong mo sa mga bata, sa siwang ng mga pinagtagpi-tagping lumang plywood at mga kalawanging yero pumupuslit ang tunog ng TV; sagitsit sa pagbago ng channel at mga pamilyar na boses ng mga news anchor at mga reporter—isinasalaysay ang kung anumang kaganapan nangyayari sa mundo na waring walang pakialam ang squatter na lugar na ito.

Sandaling pinigil ni Remi ang kakayahang huminga nang madaanan niya ang estero. Dito masisilayan ang talambuhay at kung papaano umuusbong ang isang bundok na basura mula sa iilang plastik na basura. Bawal magtapon ng basura dito. Marami yatang hindi marunong magbasa dito. Bawal umihi dito. Mahapdi sa mata ang panghe na ipininta sa dingding.

Nang makalampas siya sa bahaging iyon, muling naramdaman niya na marunong pa pala siyang huminga. Nagsimula ng magsipagsindi ang mga domestikadong kabahayan at ang mga flourescent at bumbilya nagpakawala ng pagka-inggit kung kaya’t ‘di gaano pansin ang mga mumunting liwanag ng mga bituin.

Malungkot ang pintuan ng datnan ni Remi ang kanyang boarding house. Ang amoy ng pagluma ng kahoy nito, ang magaspang na balat dala ng paglabas-pasok ng panahon, ang maputlang pintura ay hindi napawi ang pangungulila sa bisitang kailanman hindi darating. Siya isang hamak na boarding house lang. Walang pamilyang maninirahan sa kanya. Taong katulad lang ni Remi ang papatol sa kanyang existence.

Nabuksan ng susi ni Remi ang pintuan na walang malalim na pagtataka kung bakit, pero ang tanong na nabuo sa parke ay nakabikig pa rin.


Inilagay ni Remi ang susi sa mesang plastik na bumulalas malapit sa may pinto. Kinapa niya ang swtich ng ilaw. Pumitik ito kasabay ng biglang pagliwanag ng buong kuwarto.


Tinungo ni Remi ang maliit na ref. Kumuha siya ng baso sa ibabaw at kumuha ng pitsel sa loob nito. Kung ang refrigerator ay maihahalintulad sa isang tiyan, matagal ng itong nalipasan ng gutom.


Umupo si Remi sa higaan na may manipis na kutson. Bugbog ito sa paniniwalang pahinga ang tanging lunas sa lahat ng pagkapagod. Nakakapagod isipin kung ano talaga ang ginagawa ng mga tao sa parke kanina, ani Remi sa sarili.


Nilagok niya ang natitirang tubig sa baso. Muntik ng tumama sa double deck ang baso dahil sa baba ng distansya ng pangalawang palapag ng higaan.

Inilapag ni Remi ang baso sa sahig, pagkatapos nahiga siya ng hindi tinatanggal ang sapatos. Pinakiramdaman ang paglamas ng tiyan sa tubig na malamig na ininom. Inilagay niya ang dalawang kamay sa batok at pinagkrus ang mga paa.

‘Ang labo. Kung basted, eh di basted na. Huwag na sana siyang magpakabait pa. Parang oo na rin yun. Pinapaasa niya ako sa wala kung ganun ang lagi niyang pinapakita. Kung tatanungin ko naman siya kung ano na ba talaga, parang nakasisiguro na ako nun. Ilang beses pa lang naman kaming lumabas at ilang linggo ko pa lang siyang nakikilala. Baka sabihin atat na atat na ako.

‘Presko. Pero bakit niya naman hawak ang kamay ko kanina? Madalas niyang hawakan ang kamay ko kapag kami magkasama, ano ba ‘yun? Tapos hindi niya ako papansainin pagkatapos. Aaargh! Mga babae talaga oh.

‘Itext ko kaya ng malaman ko kung ano ba talaga.’


Dinukot ni Remi sa bulsa ang kanyang cellphone at nagtext; ‘ei. Gud pm po. Sna nkauwi n u ng maay0s. senxa n c pangu2lit ko knina. Sna d ka galit c kin.’

Tumunog ang cellphone ng nakaka-badtrip na tunog at lumabas sa screen: check operator service.

‘Naman!’ sabi ni Remi ng may pagkainis.

‘Uy…may tinitext siya.’ Sabi ni Eden na kanina pa pala nakatayo sa may pintuan. ‘Tsk! Kaya lang wala na siyang load.’

Itinuon ni Remi ang kanyang ulo sa may pintuan at sinundan ng tingin ang pagpasok ni Eden.

‘Kanina ka pa ba dyan?’ tanong niya kay Eden.

‘Medyo.’ Umupo ito sa plastic na upuan na malapit sa may mesa. Si Eden ay ang boarder sa kabilang kuwarto sa taas. ‘Bakit?’ tanong ni Eden kay Remi na bumangon mula sa pagkakahiga.

‘Wala lang. ‘kala ko ba may duty ka ngayon.’ Itinabi ni Remi ang cellphone sabay sandal sa dingding na kadikit ng double deck at pinagkrus ang paa.

Si Eden naman ay itinaas ang kanang paa sa silya at komportableng sumandal sa mesa na nakatukod ang ang kanang siko sa ibabaw nito.

‘Duty? Ano ako nurse?’

‘Di ba nursing ka?’

‘Nursing? Haller?! Ano ako, mayaman? HRM po kaya ako kuya—HRM.’

‘Ah—okey. Akala ko kasi…’


‘Akala mo kasi ako yung nursing students na naging syota mo.’


‘Sino naman kaya yun?’


‘Ewan ko sa iyo. Basta nursing siya.’

Tinanggal ni Remi ang kanyang sapatos, umusog siya sa gilid ng higaan at inilapat ang mga paang maugat sa sahig. Dumungaw ang kanyang mukha sa anino ng double deck.

‘Ba’t ka nga pala nandito?’ tanong niya kay Eden.

Hindi sumagot si Eden. Niyakap nito ang kanyang mga binti pagkatapos ipatong ang isa pang paa sa upuan at saka tumingin sa labas ng pintuan. Pilit tumitingin sa malayo.

‘Okey lang kung dito muna ako ngayong gabi?’ tanong ni Eden.

‘Dito?…siyempre okey lang. Ba’t naman hindi?’

‘Wala lang.’ Sabay kibit ng balikat at patong ng baba sa tuhod.

Sa pagkakatiklop ng tuhod at pagkakayakap niya nito, cute siyang tingnan nasabi ni Remi sa sarili. Parang may ibig sabihin ang mga pa-tweetums na ganun. Siguro.

‘Kumain ka na ba?’ tanong ni Remi pagkatapos niyang tumayo.

Umiling si Eden. Hindi pa siya kumakain.

Masasabing abandonado ang refrigerator ni Remi. Kuryente na lang ang tanging nagbibigay saysay sa buhay nito. Dalawang bote ng coke litro na tubig ang laman, isang plastik na pitsel na kakaunti ang laman, nalalantang siling green at pula, inaamag na tinapa—tatlong piraso, petsay na kulay dilaw sa tagal ng pagkakababad sa lamig.

Napabuntong-hininga si Remi sa kalagayan ng kanyang ref. Ito na yata ang mikrokosm ng kahirapan dito sa Pilipinas. Isang itlog at tatlong tinapa na lang ang nakuha ni Remi na pwedeng pakinabangan.

‘Anyway, bukas pagkakuha ko ng sweldo ko, bibili ako ng sampung kilo nito at tatlong tray ng itlog.’ Pabirong sabi pagkasara ng ref.

Tumayo si Eden at kinuha ang tinapang nasa diyaryong mamasa-masa at ang nag-iisang itlog ni Remi. Dumeretso siya sa stove na malapit sa lababo.

‘Marunong ka bang magluto?’ tanong ni Remi sa kanya.

‘Ako na’ng bahala. Just watch and learn kung paano ako magmadyik.’

Paano nga ba maghanda ng hapunan na ganito ang kalagayan?

Hinalungkat ni Eden ang plastic na lalagyan ng mga sibuyas, bawang at paminta. Kumuha mula dito ng kamatis at sibuyas. Nakakuha rin siya ng dilaw na luya saka nagpakulo ng tatlong tasang tubig.

‘Tamang-tama.’ Pabulong niya sa sarili. Binalatan at pinitpit niya ang luya saka nilagay sa kaserola kung saan nandun ang tubig. Hiniwa niya ng maliliit ang dalawang pirasong kamatis at tinadtad ng pino ang sibuyas. Inilagay niya ito sa platito at nilagyan ng toyo.

Nang kumulo ang tubig, tinimplahan niya ito ng konting asin at saka inilagay ang itlog. Hinalo niya ito ng ilang beses hanggang matorta ang itlog. Kumuha siya ng maliit na kawali at pinirito ang tatlong tinapa sa gamit na mantika. Habang hinihintay na mapritos ang mga tinapa sa mahinang apoy, inayos niya na ang mesa. Nang maluto ang tinapa, isinalang niya na rin ang kanin para initin.

Kumuha siya ng dalawang tasa at nilagyan ng sinabawang luyang may itlog. ‘Saglit lang. Iniinit pa yung kanin.’ Sabay bigay ni Eden ng tasa kay Remi na nakaupo sa may pintuan.


Hinigop ni Remi ang sabaw. Nakakapaso ang pinaghalong init ng tubig at anghang ng luya.

‘Okey ah.’ Sabi ni Remi.

‘Siyempre. Ako yata ang may gawa niyan.’ May pagmamayabang na pabirong sumagot si Eden sa papuri ni Remi.

Humigop uli si Remi. May manipis na usok na lumabas sa kanyang bibig. Bumuwelo ng buga sa pagpapakawala ng anghang na sumasabit sa lalamunan at gumuguhit sa kanyang tiyan na madalas walang sapin. Sa init ng sabaw, dama ni Remi ang pagsingaw ng pagod sa kanyang katawan. Medyo nakakalango ang bango ng luya sa isipan. Pansamantalang nakakalimutan ang mga pagtatanong. Ang pagtatanong ng ‘Bakit may rally na naman sa parke kanina? Ano ba ang silbi ng mga gawaing katulad nun? Bakit siya nandun kanina? Si Gabrielle ba ang pakay niya?’

Ngumiti si Eden sa nakikita niya. Nasiyahan si Remi sa simpleng timpla ng kakaibang sabaw. Buti’t nagustuhan niya.

Inuunti-unti ni Remi ang sabaw ngunit halata sa mabilis na higop nito na nakikipag-unahan siya sa lamig ng gabi—mamamatay din ang init nito kaya mas mabuting ubusin na. Masarap ang sabaw kapag mainit pa.

‘Kumusta araw mo ngayon?’ tanong ni Eden kay Remi.

‘Okey lang…’ hinigop ni Remi ang huling patak ng sabaw. Ang huling hiwa ng init ay pilit na kumakapit sa porselanang mumurahin. ‘Ikaw. Musta araw mo?’ Tumayo siya at tinungo ang kaserolang may sabaw.

‘Kami?’ ani Eden pagkatapos humigop ng sabaw. ‘Ha—midterm na namin next week.’ Humigop ulit. ‘Problema nga eh.’

Hindi na narinig ni Remi ang huling sinabi ni Eden. Sinilip ni Remi ang kanin. Wala pang pangtuition si Eden.

‘Tara. Kain na tayo. Mainit na ang kanin.’ Aya niya kay Eden.

Tumayo na rin si Eden at tinulungan si Remi.
Matahimik nilang kinain ang kanilang simpleng hapunan. Sa madilim na kisame ng langit hindi lang sila ang tumutugon sa pangangalam ng sikmura—maraming nilalang ang tumatalima sa pananawagan ng tiyan.


Nilinis ni Remi ang pangalawang palapag ng double deck habang hinuhugasan ni Eden ang kanilang pinagkainan. Inilabas ni Remi ang extrang unan, malinis na punda at kumot.

‘Dito ka na lang matulog sa taas Eden. Okey lang?’

‘Okey lang…kuya.’



MADALING ARAW nang magising si Remi sa pag-uga ng higaan. May kumalabog at may kumaluskos malapit sa kanya. Sa nag-aagaw na pagkatulog at pagkagising, naaninag niya ang hugis ng isang tao. Si Eden ay bumaba ng double deck.

Tumabi ito sa kanya, mahinahong isiniksik ang sarili sa higaang maliit para sa dalawang tao at pumasok sa kumot ni Remi.

‘Eden?’ pabulong na tanong ni Remi. Nakapatong ang kaliwang binti ni Eden sa kanya at nakayakap ito.

‘Malamig sa taas, kuya.’

Labels:

Paunawa tungkol sa Nobela

ANG NOBELANG ITO na pinamagatan kong Digmaan ay kasalukuyan pang ginagawa. Hindi pa ito tapos. Nangangailangan pa ito ng rebisyon at karagdagang materyales; kung kaya't hinihiling ko sa mga mambabasa na kung mamarapatin nawa'y magpadala sila ng mga mungkahi na magsasalarawan ng Digmaan na nagaganap sa atin at sa bawat isa na bahagi ng isang sistema. Lipunan.

Kahimanawari.

Labels:

KABANATA I

KATANUNGAN

KULAY GATAS ang kalangitan. Namumugto na ang kalangitan kahit hindi pa nito nailuluha ang ulan para sa hapon na iyon. Sapagkat ang hapon na iyon ay katulad ng mga naunang hapon. May mga tao kasi sa parke. Ang katahimikan na matagal na sanang nagpapanatag sa mga rallyista ay manaka-nakang binabasag ng mga motoristang dumadaan. Hinahaluan pa ito ng pagtunog ng mga testing sa mga kagamitan na malapit sa tabi ng konkretong entablado; mikropono, electric guitar, vcd player. Hindi pansin ng mga nagsipaghanda ang malumay na pagdampi ng malamig na hangin sa kanilang mga balat. Siguro’y dahil na ito sa pagkababad sa sikat ng araw. May ilang nag-eensanyo ng interpretative dance. Sa baba ng stage nakahanda na ang mga kawayan na may nakakabit na mga bandera; pula at itim, may berde, asul at puti. Streamers na mas lalong naghuhumiyaw, effigy ng isang taong naging enkarnasyon ng pagkamuhi ng karaniwang tao at sangkaterbang exposition, nakasulat at kabisado, na mas maanghang pa sa pinaka-maanghang na bicol express.

Sa gitna ng mga pagkaabala’t paghahanda, sa gitna ng Peñaranda Park, may dalawang nilalang na nakatayo. Hindi nila pansin ang mga tunog na sumusundot sa katahimikan na namamagitan sa kanila. Mas mabagal ng kaunti ang kanilang oras kumpara sa naghihintay na mga aktibista na nasa stage at nasa ibaba nito.

Hindi alam ng lalake kung bakit siya nandoon sa oras na iyon. Alam ng babae kung bakit.

Kasingputi ng blankong canvass ang hapon at mapusyaw ang timpla ng anino sa ilalim ng kanilang mga paa. Hindi alam ni Remi kung saan siya nakayapak. May kalaliman ng kaunti ang kanyang paghinga; mabagal at pilit na itinatago ang hindi maitagong kaba nang tanungin siya ni Gabrielle ng ‘kumusta?’

Namanhid ang mga ugat sa likod ng dila ni Remi. Kanina niya pa pinagmamasdan si Gabrielle. Sa kanyang pagkakatayo, ang bibig niya’y saktong tumatama sa noo ni Gabrielle. May hawig sa sampaguita at mumurahing cologne ang bango nito. Madaling iguhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang mapagmatyag na mga mata na kulay brown ay gumagawa ng ingay sa puso ni Remi. Madalas iwasan ng tingin ang dibdib nito baka kung ano ang isipin niya sa kanya. Hinawi ni Remi ang buhok na tumatakip sa masayahing mukha ni Gabrielle; na syang ginawa niyang sagot sa pangungumusta nito.

Maya-maya pa’y namalayan na lang ni Remi na hawak niya pala ang kamay ni Gabrielle nang hilain siya na nito papunta ng stage.

‘Tara. Magsisimula na.’ Sabi ni Gabrielle.

Doon pa lang naramdaman ni Remi ang sarili. Malambot ang binigay na kalinga ng kamay ni Gabrielle kay Remi—hindi niya kasi alam kung bakit.

Pinagmamasdan niya si Gabrielle habang papaakyat ito sa likod ng stage. Kinausap nito ang lalake. Binigyan siya ng papel at naghintay sa likod kung saan nandoon ang mga iba’t ibang kagamitan para sa programa. Magsisimula na ang kung anuman iyon sabi ni Remi sa sarili nang magsalita na ang lalake.

Marahang umalingawngaw ang boses nito sa kalakhan ng quadrangle. Namatay ang mga maninipis na bulung-bulungan ng karamihan. Mga estudyante, mga manggagawa, ilang alagad ng sining—musika, sayaw at tula—at mangilan-ilang galing sa sektor ng simbahan ang bumubuo sa makapal na kalipunan. Tuluyan ng nakinig at nagbigay atensyon ang mga manonood. Parang tinuping papel na nagpahunod sa boses na isinasaboses ang dahilan nila.

Pinagmamasdan pa rin ni Remi si Gabrielle na nasa gilid ng stage. Katabi ni Remi sa baba ng stage ang isang reporter ng isang sikat na istasyon sa TV, kinakabisa at hinahanap ang saysay ng mga tinatala niya sa tickler notebook. May ilang miron na nakasandal sa puno at ang iba’y nakatayo. Dumating na rin ang isang grupo ng mga kalalakihan na kinabibilangan ng isang pari, sinundan pa ito ng ilan. Tinungo ng grupong ito ang mga upuan na nasa harapan. Nagbigay galang si Labrador, ang lalakeng kausap ni Gabrielle kanina, na siyang emcee sa sandaling iyon. Patuloy pa rin ang mga mumunting komosyon ng mga ilan na naniniwalang sila na ang susunod.

Si Labrador ay isang tipikal na tao sa kung anumang kategoryang ibig sabihin ng depinisyon sa kanya. Buo, kampante at may kakaibang karisma ang boses nya na mas lalong nabigyan pa ng kapangyarihan hindi dahil sa amplification na binibigay ng mikropono at speaker, kungdi hindi sa sitwasyon na kinatitirikan ng pagkatao niya sa oras na iyon. Nasa late 20’s na si Labrador, may tikas ang tindig, at ang bawat galaw ay may bahid ng puwersa ng kabataan. Malayo ang naaabot ng kanyang titig, bagay na nagbubulgar sa kanyang pananaw na hindi katulad sa mga biktima ng pagkabulag. Tantyado ang bawat bigkas at pagbitiw ng salita na sinasabayan ng paghagod ng tingin sa gabuhanging dami ng mga taong nagsipadalo’t nakikinig.

Halata sa pangangatawan ni Labrador ang buhay ng isang taong ikinabubuhay ang mabibigat na trabahong pisikal. Hindi maikukubli ang panunuot ng pamamayat sa makisig niyang pangangatawan. Sagana sa trabaho, kulang sa pagkain. Ang mukha niya’y kakikitaan ng pagiging beterano sa pananalita at pananalumpati. May halong reklamo, galit at muhi, pero panatag. Hindi balahura. Kung pakikinggang maigi ang sinasabi at papatulan ng malalim na kaisipan, malalaman at malalaman ang katotohanan kung bakit nagsasalita siya ngayon sa parke imbes na ipagpatuloy ang gawain na ngayo’y kinakaulila ng kabukiran.

Kinakalawang na ang mga araro. Ilang araro kaya ang kakalawangin sa hapon na iyon? Hindi alam ni Remi kung ilan, basta’t alam niya magsasalita rin si Gabrielle; upang tanggalin ang kalawang—kalawang ng lipunan.

Ilang lambat kaya ang nakabilad ngayon? Ilan kaya sa kanila ang makakauwi na walang punit ang katawan? Yaong hindi alam sapagkat mas maraming mangingisda ang nandito at nakikitang humihingi ng pakikiramay dahil sa isang halimaw na nagbabanta sa kanilang buhay at kabuhayan.

‘Nandito po tayo ngayon para tutulan at kondenahin ang Mining Act of Greed na siya ring nagiging sanhi kung bakit may isang mining corporation na kumikitil sa kabuhayan ng bawat mangingisda ng kabilang isla.

‘Ayon sa DENR…kung makakapasa sa 1200 hours test run ang korporasyon na ‘to ay ipagpapatuloy nito ang operasyon sa pagmimina. Alam naman po natin na ang 1200 hours test run ay pabalat-bunga lamang. Pakitang-tao para kumbinsihin ang publiko na pwede nga silang magmina at dumaan ito ng tamang proseso.

‘Opo. Sabihin po nating…nakapagcomply ang Leech International Mining Corporation sa mga requirements ng DENR at ipagpalagay din natin na nakapagbigay sila ng mga trabaho sa ilan nating mga kapatid na naninirahan malapit sa mining site, pero hindi po ito sapat para maging kompensasyon sa pagkasira ng ating kabundukan at karagatan.

‘Maraming mangingisda ang maghihirap. Huwag muna nating isali ang katotohanang marami na ang naaapektuhan ng spillage…marami na ang nagkakasakit. Ang mga isda galing sa karatig na lugar ng mining site ay hindi na binibili sa palengke. Nakakabuti ba ito sa mga kapatid nating mangingisda? HINDI!!’

Masigabong palakpakan ang isinukli ng mga nakikinig kay Labrador ngunit nakipag-agawan ng atensyon ang katahimikang idinulot ng maikling pagkaudlot.

Pati ang ilan sa mga naimbitahang magsalita ay nagbigay pugay din. Binasa-basa ng dila ni Labrador ang kanyang labi habang nakatingin sa kanyang paanan, ang kaliwang kamay nasa bulsa. Umatras sya ng kalahating hakbang at nagbuntong-hinga bago hinawakang muli ang mikropono.

Hindi gaanong nasagap ni Remi ang pagpapatuloy na pananalita ni Labrador. Naiilang na si Remi sa kanyang puwesto, sa gilid ng stage, dahil nakabilad siya sa isang libong mata. Pinili niyang pumunta na lang sa bandang likuran kung saan mas mataas ang vista. May mangilan-ngilan kasing kumukuha ng litrato. Ang ilan sa kanila’y mga estudyante—merong suot na press ID. Ang iba nama’y halatang documentation ang pakay ng kanilang mga digicam at videocam.

Nasa may gawing kaliwa pumuwesto sa Remi. Katabi niya’y mga estudyante at sa kanyang kinalalagyan para siyang dumudungaw sa mga bisitang naglalamay.

‘At ngayon po, ipakikilala ko po sa inyo ang bago nating speaker…’ saka pa lang ulit narinig ni Remi ang boses ni Labrador nang makita niyang si Gabrielle na ang magsasalita.

Walang reserbasyong nagpalakpakan uli ang mga tao. Katulad ng boses ni Labrador, kalkulado ang mga binibitawang salita ni Gabrielle. Mayroon din itong tonong nagsasabing sanay na siya sa gawaing ganoon. Ang kaibahan nga lang, ang boses ni Gabrielle ay may kakaibang timbre, aakalaling may tugma dahil sa saliw ng mapagkumbinsing pinuno—na nagsasalita. Halata sa mukha ng karamihang nakikinig ang pagpuri sa pagpapaubaya ng katahimikan.

Kawangis ni Gabrielle si Joan of Arc. Kumpleto sa baluti at kagamitang pandigma, at ang pagkakatayo niya sa harapan ay palatandaang patuloy pa ang digmaan o di kaya’y magsisimula pa ng isang digmaan. Digmaang nagaganap sa lansangan, sa bawat nilalang na umabot sa iba; digmaang pangkalahatan ngunit ilan lang ang nakikipaglaban.

Walang pakialam si Remi sa away ng mga ideya, konsepto at prinsipyo. Mga metapisikal na arsenal. Mas natutuon ang kanyang diwa na pilit dinudugtong ng agwat nilang dalawa ni Gabrielle.

‘Mas maganda ka sa malayo. Kung saan di ko pa batid ang iyong kahinaan at ang pangit na bahagi ng iyong katauhan. Sapagkat sa distansyang ito—ikaw ay mananatiling perpekto.’ ani Remi sa sarili.

Patapos na ang talumpati ni Gabrielle nang hanaping muli ni Remi ang kanyang sarili sa mga yapak na iniwan kanina kung saan silang dalawa nakatayo. Matigas, manhid at walang kakayahang umalala ang konkretong sahig ng parke. Wala itong binigay na giya kung saan naglakad si Remi. Hindi basta-basta naalala ang mga naiwan na bakas ng mga paa sa manhid na istruktura ng sistema.

Hindi pa rin alam ni Remi ang dahilan kung bakit siya nandoon ng hapon na iyon. Hindi niya alam kung para saan ang mga taong nag-iipon-ipon. Hindi niya matukoy ang rason. Isa lang ang alam niya; gusto niya si Gabrielle.

Labels: